About the Senator



Quick Links





What's New?





PRIVILEGE SPEECH ON THE CASE OF KASAMBAHAY BONITA BARAN

Posted: July 31st, 2012 @ 4:07am


I rise on a matter of personal privilege.

Mahal na pangulo, aking mga kasamahan sa Senado, magandang hapon po.

Mayroon pong isang kahindik-hindik na pangyayari na kinasangkutan ng isang kasambahay sa katauhan ni Bb. Bonita Baran.

Si Bonita Baran po ay tubong Baras, Catanduanes. Pang-anim (6) po si Bonita sa sampung (10) magkakapatid. Ang hanap-buhay ng kanyang ama ay paggawa ng suka samantalang ang kaniyang ina naman ay naglalabada. Sa kagustuhan ni Bonita na makatulong sa kaniyang mga magulang at mga kapatid, siya ay nagpasyang magtrabaho matapos niyang maka-graduate sa elementarya.

Nang si Bonita ay labing-anim na taong gulang, dala ang pag-asang makatulong sa kaniyang pamilya, siya ay lumuwas papuntang Maynila at namasukan bilang isang kasambahay sa tahanan nina Gng. Analiza Marzan simula noong Pebrero 2007.

Ayon kay Bonita, siya ay tumanggap lamang ng halagang pitong daang piso (P700.00) kada buwan mula sa kanyang among si Gng. Marzan. Dito pa lamang, mapapansin na natin na hindi ayon sa batas ang pasahod kay Bonita. Tinaasan naman diumano taon-taon ang kanyang sahod hanggang sa umabot ito ng dalawang libong piso (P2,000) kada buwan.

Sa kaniyang pamamasukan sa pamamahay ng mag-asawang Marzan si Bonita ay naatasang maglinis ng bahay, magluto, maglaba at mamalantsa, ika nga, all-around. Lahat ng nabanggit na gawain ay walang patlang niyang ginagawa araw-araw Lunes hanggang Linggo, umaga hanggang gabi.

Ayon kay Bonita, nagsimula ang pang-aabuso ni Gng. Marzan sa kanya noong mga Abril ng 2008 at naging madalas at regular ang pananakit noong 2009. Sa hindi malamang kadahilanan, siya ay sinimulang pagmalupitan ni Gng. Marzan sa pamamagitan ng paghampas sa kaniya ng walis tambo hanggang ito ay mabali. Kaalinsabay nito ay ang pagtuktok sa kaniyang ulo ng kung ano ang mahawakan ni Gng. Marzan - figurine, plato, vase - hanggang ang mga ito ay mabasag sa kaniyang ulo. Dagdag pa rito ang pagsuntok sa kanyang mga mata na naging sanhi ng pagkabulag ng kanang mata ni bonita at ang matinding paglabo ng kaniyang kaliwang paningin.

Dahil sa mga kalunos-lunos na sinasapit ni Bonita sa kamay ni Gng. Marzan, unti-unting nanghina at bumagal magtrabaho si Bonita na lalong ikinagalit ng kanyang malupit na amo. Ang galit na ito ay ipinamalas ni Gng. Marzan sa pamamagitan ng pag-paso ng plantsa sa noo at ilong ni Bonita.

Hindi pa dito natapos ang kalbaryo ni Bonita. Siya ay madalas ding pinipingot ni Gng. Marzan na nauwi sa pamamaga ng kaniyang tenga na parang cauliflower. Nabungi din ang harapang ngipin ni Bonita gawa naman ng pagkakahampas ng isang figurine. Ang pananakit ay sinasamahan pa ng manaka-nakang pagtadyak, pagsakal at pagsaksak ng gunting sa kaliwang braso ni Bonita.

Ang mga pangyayaring aking nabanggit ay hindi magawang maisumbong o maisuplong ni Bonita sapagkat siya ay ikinukulong ng kanyang amo. Sa mga pagkakataong nakaka-usap naman niya ang kanyang mga magulang, siya ay mahigpit na binabantayan at nakasulat lahat ng kaniyang sasabihin.

Ginoong pangulo, mga kasama kong mambabatas, ngayon lamang po ako nakatagpo ng isang tao na gaya ni Bonita na trinato na mas masahol pa sa isang hayop.

Tumambad sa atin at umabot sa aking kaalaman ang kawa-awang sinapit ni bonita noong ito ay maibalita sa tulong ng isang TV news program kailan lamang. Inilapit din ni Bonita ang kaniyang hinaing sa Public Attorney’s Office na pinamumunuan ni Atty. Persida Acosta na kagyat naman siyang tinulungan upang maihanda ang kasong kriminal na isasampa laban sa malupit na amo na kaniyang pinagsilbihan.

Nagpasya din po akong ilahad sa inyo ang mga pangyayaring ito upang malaman ng sambayanan na may mga ganitong uri pala ng tao na tulad ni Gng. Analiza Marzan na para bagang halimaw na walang awa sa kaniyang kapwa.

Ang pagmamalabis na ito ay hindi natin dapat palampasin. Nararapat lamang na magkaroon ng karampatang kaparusahan ang mga ganitong uri ng tao.

Ilang “Bonita” pa ba ang dapat makaranas ng ganitong mapait na karanasan bago pa magkaroon ng sapat na batas na kakalinga sa kanilang karapatan at pangangailangan?

Makailang ulit na rin akong nanawagan sa ating mga kasama sa Mababang Kapulungan na ipasa na ang aking panukalang batas para sa ating mga kasambahay upang maiwasan at malunasan ang mga ganitong kawalang-hiyaan. Malaki po ang maitutulong nito upang maisulong at ma-protektahan ang mga karapatan at kapakanan ng mga kasambahay na tulad ni Bonita Baran.

Maraming salamat po.






Username


Password:




Not yet a member? Register
Forget Password

Stay logged in across browser sessions







To subscribe to our enewsletter, please enter your email address in the box above and click the "Subscribe" button.










May 2013
S
M
T
W
T
F
S
   1234
567891011
12131415161718
19202122232425
262728293031 
View Full Calendar




Copyright © 2008 Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada

Processing Time: 0.03672 seconds.